INTERNET SHOPS NAIS GAWING STUDY ROOM PARA SA MAHIHIRAP
KASALUKUYANG pinag-aaralan ng National Task Force on Covid19 ang posibilidad na gawing study rooms ang mga internet shop para sa mga mag-aaral na naka-enroll ngayong akademikong taon pero walang sariling gadget at walang internet para makasabay sa online, modular, at blended learning.
“We feel and understand the concerns of both the students and the parents, especially the poor, in this new kind of learning method. That is why the national government, through the NTF on Covid19 and the IATF are really finding ways to extend all the necessary assistance to them,” pahayag ni Lt. Gen Guillermo Lorenzo Eleazar, ang kasalukuyang chief ng Joint Task Force Covid19 Shield.
Ang naturang proposal ay inihahanda na ni Eleazar, katuwang si Interior Secretary at NTF Vice Chief Eduardo Ano, para ilatag sa susunod na pulong ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases.
Nais nilang isulong ang programang ito sapagkat kahit na maraming pamahalaang lokal ang namimigay ng mga laptop, tablet, at internet modem, mas marami pa rin ang walang sapat na pondo para rito.
Naniniwala si Eleazar na wala dapat mag-aaral ang maiwan ngayong akademikong taon kaya masigasig ang pamahalaan na gumawa ng aksiyon upang punan ang nasabing balakid.
Hihintayin pa ng NTF ang magiging desisyon ng IATF tungkol sa proposal, lalo pa’t ang kasalukuyang panuntunan ay nagbabawal sa mga menor de edad na lumabas ng bahay para hindi mahawa ng nakamamatay na Covid19.