INTERNET SAFETY EDUCATION PROGRAM PINABUBUO
ISINUSULONG ni Parañaque City 2nd District Rep. Joy Myra Tambunting ang panukala para sa pagbuo ng Internet Safety Education Program.
Sa kanyang House Bill 8142 o ang proposed Internet Safety Education Act, nais ni Tambunting na bumalangkas ang Department of Education ng programa para sa elementary at secondary school students para sa ligtas na paggamit ng internet.
“This measure is proposed to increase the literacy of people on new media available through the internet. The said program shall educate children, parents and communities about how to prevent or respond to problems or dangers related to internet use,” pahayag ni Tambunting sa kanyang explanatory note.
Batay sa panukala, bubuo ang DepEd ng Internet Safety Education programs, kabilang ang educational technology, multimedia and interactive applications, online resources at lesson plans.
Nakasaad din sa panukala na mandato ng DepEd na magbigay ng professional training sa elementary at secondary teachers, administrators at iba pang staff kaugnay sa safety at new media literacy.
Pinababalangkas din ang ahensiya ng online risk prevention programs para sa mga bata, gayundin ng public education campaigns para sa promosyon ng online risk sa kabataan.
Ipauubaya rin ng DepEd ang edukasyon sa mga magulang para turuan ang kanilang mga anak sa tamang paggamit ng internet at new media.