Nation

INTERNET DATA AT ALLOWANCE SA MGA GURO DAPAT WALANG KONDISYON —TDC

/ 20 September 2020

KINUWESTIYON  ng isang grupo ng mga guro ang plano ng Department of Education na pagbibigay ng internet data at allowance sa mga public school teacher dahil may kondisyon pa umano para makuha ito.

Ikinatuwa ng Teachers’ Dignity Coalition ang ipinalabas na pahayag ng DepEd na magkakaroon ng “provision for monthly connectivity and communication expenses” para sa mga guro sa pamamagitan  ng OUA Memo 0920-0124 na mula sa tanggapan ni Undersecretary Alain Pascua.

“Gayunman, hindi absoluto ang ‘incentive’ na ito, bagkus may mga kondisyon. Halimbawa na lamang ay ang requirement na mag-activate sa DepEd Commons ang mga guro upang ma-qualify at ang pagtatakda ng deadline na hanggang sa Setyembre 21 na lamang,” pahayag ni Emmalyn Policarpio, secretary general ng grupo.

Sinabi niya na kung talagang sinsero ang DepEd na tulungan ang mga guro para makaagapay sa mga pagbabago at hamon ng ‘new normal’, mas mainam na ‘di hamak kung itutulak nila ang paglalaan ng Kongreso ng badyet para sa libreng laptop at buwanang internet allowance para sa lahat ng guro.

“Marami nang mambabatas ang umayon sa panawagan nating ito, ang kulang na lamang ay ang paggigiit ng mismong pamunuan ng ating ahensiya,” wika ni Policarpio.

“Ano ba ang mayroon sa DepEd Commons at ipinagpipilitan ito sa mga guro? Hindi ba at kusa naman natin itong ginagamit? Kung papaanong kusa rin nating ginagamit ang anumang available online resources na alam nating makakatulong sa ating pagtuturo?” tanong niya.

Ayon sa grupo, laging paalala ng DepEd na dapat walang batang maiiwan pero sabi nila, sa programang ito, maraming maiiwan na guro.

“Lahat ng guro ngayon ay nangangailangan ng internet. Hindi makagagampan sa mga tungkulin ang ating mga guro kung wala gadgets-desktop o laptop computer, tablet o smart phone. Kailangan mo rin ng printer at higit sa lahat, kailangan ng internet connection,” sabi ni Policarpio.

“Hindi pa nagsisimula ang balik-eskuwela ay namumulubi na sa gastusin ang marami sa mga guro. Kailangang bumili ng sariling laptop o gadgets, kailangang magpakabit ng internet o kailangang mag-load para sa internet data at kailangang mag-load para i-text o tawagan ang mga mag-aaral at magulang,” dagdag pa niya.