Nation

INTERNET DATA ALLOWANCE IBIGAY NANG CASH — TEACHERS

/ 1 June 2021

MULING nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition na mabigyan sila ng allowance para sa internet connection upang matulungan sila sa paggampan sa mga tungkulin sa distance learning.

Ayon sa grupo, dapat bigyan ng P1,500 na distance teaching allowance ang mga guro para matiyak na hindi sila mawawalan ng koneksiyon sa internet.

“Ito pong hinihingi naming P1,500 na monthly allowance for internet connection ay napakaliit na kumpara sa mga gastusin ng mga guro para sa komunikasyon. Hindi pa po diyan kasali ang pambili ng gadgets,” pahayag ni Benjo Basas, pambansang tagapangulo ng grupo.

Ayon kay Basas, bagaman kinikilala nila ang hakbang ng DepEd na magbigay ng hanggang 100 Gigabytes na data sa mga guro para sa tatlong buwan ay hindi umano ito praktikal.

“Kung data ang ibibigay nila at ipadadala sa SIM card ng mga teacher, magdodoble lang ang gastos. Gumastos na si teacher sa load sa kanyang celfone o sa internet connectivity ay gagastos pa rin ang DepEd para sa data. Baka hindi lang rin ito magamit, sayang na naman ang pera. Kaya mas mainam na ang budget ng DepEd sa data ay idagdag na lang sa internet allowance in a form of cash,” paliwanag ni Basas.

Pinaalala rin ng grupo sa DepEd na hindi pa  naibibigay ang P300 monthly communication expenses reimbursement na ipinangako ng ahensiya sa mga guro para sa mga buwan ng Marso hanggang Disyembre noong nakaraang taon.

“Sana ibigay na rin muna ng DepEd ‘yung pangako nilang P300 monthly reimbursement noong nakaraang taon. Pinahihirapan ang mga guro bago ito makuha at kung may mga nabigyan man ay hindi kumpleto,” paalala ni Basas.

Ayon pa sa grupo, lahat ng mga guro ay gumagastos sa internet at telepono kaya hindi maaaring lagyan ng kahit anong kondisyon ang pagbibigay ng data allowance gaya ng pag-activate sa DepEd Commons.

“Simple lang dapat ang criteria para bigyan ng distance teaching o internet allowance ang isang guro, basta siya ay may trabahong direktang may kinalaman sa pagtutro at kailangan ang internet. Ibig sabihin lahat po ito ng mga guro at hindi maaaring piliin o bigyan ng kondisyon. Hindi makagagampan sa mga tungkulin ang ating mga guro kung walang gadgets- desktop o laptop computer, tablet o smart phones, lalo na ang internet connection,” pagtatapos ni Basas.