Nation

INTERNET ALLOWANCE NG MGA GURO MAY PAGHUHUGUTAN — LADY SOLON

/ 11 August 2020

SINOPLA ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Department of Education sa pahayag na walang basehan ang hiling na bigyan ng internet allowance ang mga guro sa gitna ng implementasyon ng modular at online learning.

Sinabi ng House Assistant Minority Leader na maaaring kunin ang internet allowance sa communication allowance sa ilalim ng Miscellanous and Other Operating Expenses ng bawat paaralan kaya walang sapat na dahilan upang hindi ito maipagkaloob.

Binigyang-diin ni Castro na dahil sa isinusulong na sistema ng distance learning ng DepEd para sa pagbubukas ng klase,  obligado ang mga guro na palagiang may internet connections sa kanilang trainings, online classes at iba pang output.

Gayunman, iginiit ng kongresista na ang sahod ng mga public school teacher ay kapos pa sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya kaya dapat silang pagkalooban ng gobyerno ng mga kagamitan at gadgets para sa pagtupad sa kanilang tungkulin sa bagong moda ng pagtuturo.

“Saying that there is simply no basis for DepEd to provide teachers a monthly internet allowance is simply insensitive. The DepEd cannot deny the need of teachers to access the internet to comply with DepEd requirements is basis enough for the DepEd to provide for a monthly internet allowance for teachers,” pahayag ng mambabatas.

Ipinaliwanag pa ng lady solon na hindi sapat ang P3,500 na chalk allowance para magkaroon ng maayos na internet connection sa buong school year.

“Maaaring marami sa mga mag-aaral ay modular ang piniling paraan ng pag-aaral ngayon pero hindi pa rin nito tinatanggal ang mga tungkulin ng teacher na ibinibigay ng DepEd na kailangan niyang gampanan online. Napakaraming webinar at online forum ang nire-require ng DepEd na salihan ng mga guro. Kahit ang mga modular teaching ay mayroon ding kaunting online component para sa ilang mga guro dahil ginagamit din nila ang Facebook Messenger para kumustahin  ang ilan sa kanilang mga mag-aaral,” ipinaliwanag pa ni Castro.

Binigyang-diin ni Castro na mga frontliner din ang mga guro na dapat bigyan ng tamang mga panlaban at kagamitan sa pagsusulong ng programa ng DepEd.

Pinuna rin nito ang pagpapaubaya ng DepEd sa mga public school teacher na resolbahin ang kanilang mga mali-maling patakaran subalit hindi naman sinusuportahan ang pangangailangan ng mga guro.

“Kanya-kanya na nga ang pag-print ng modules ng mga bata, kanya-kanyang diskarte rin para sa sapat na internet connection? Nasaan ang malasakit ng DepEd para sa mga guro na silang tagapagpatupad ng mga bagong paraan ng pagtuturo ngayong nasa gitna tayo ng pandemya?” tanong ni Castro.

Dagdag pa niya, may mga guro rin na pinipilit na mag-report sa paaralan para sa stable internet connection na nagiging dahilan upang ma-expose sila sa Covid19.