INTEL FUND NG OVP IPINALILIPAT SA SPED PROGRAM
ISUSULONG ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang re-alignment sa 2023 national budget para malagyan ng pondo ang special education program ng Department of Education.
Kinastigo ni Brosas ang pagtuturuan ngayon ng DepEd at ng Department of Budget and Management kung sino ang may mali sa hindi pagpondo sa SPED.
Dahil dito, ang Gabriela Party-list na, aniya, ang gagawa ng paraan habang nagtuturuan ang dalawang ahensiya, kung saan isusulong nila ang re-alignment para maglipat ng pondo mula sa ‘confidential at intelligence funds’ ng Office of the President at Office of the Vice President patungo sa SPED program.
Iginiit ng mambabatas na hindi dapat payagan na maipasa ang batas sa budget kung may zero allocation sa SPED program, na itinuruting nila na malaking kawalan ng hustisya para sa 5.1 milyong batang Pilipino na may ‘special needs’.
Binigyang-diin ng kongresista na hindi naman kailangan ng ibang ahensiya ng intelligence funds kaya nagtataka sila kung bakit nabigyan ng alokasyon ang mga ito habang napapabayaan ang ibang mahahalagang programa.
Idinagdag pa ni Brosas na ipinakikita nito kung paano magprayoridad ang gobyerno sa confidential funds na lantad sa korupisyon kaysa pagprayoridad sa mga pangunahing serbisyo ng mga ‘vulnerable sector’.