INSTRUCTIONAL GARDENING PROGRAM SA ISKUL ISINUSULONG
IPINANUKALA ni ABONO Partylist Rep. Conrado Estrella III ang pagbalangkas ng instructional gardening program sa lahat ng pampubliko at pribadong elementary at secondary schools.
Sa kanyang House Bill 6419 o ang proposed Instructional Gardens Act, sinabi ni Estrella na kasabay ng promosyon ng karapatan ng lahat sa dekalidad na edukasyon, dapat ding protektahan ang kalusugan ng taumbayan.
Ipinaliwanag ng kongresista na ang instructional garden ay ang bahagi ng lupa sa loob ng paaralan na laan para sa pagtatanim ng mga gulay at mga halamang may nutritional value.
“Researches have also shown that instructional gardening programs with young learners help improve dietary quality and nutritional status and prevent obesity,” pahayag pa ni Estrella sa kanyang explanatory note.
Sa ilalim ng panukala, mandato ng Department of Agriculture, Department of Health at Department of Education na ipatupad ang programa para sa intructional gardening.
Kasama sa programa ang pagtutulungan ng mga magulang, gayundin ng buong komunidad, para sa promosyon ng tamang nutrisyon at maayos na kalusugan sa mga paaralan at pamayanan.
Para sa mga paaralang walang lupa na maaaring gamitin sa programa, maaaring ipatupad ang hydroponic gardening at iba pang organic o sustainable gardening technologies.
Minamandato rin sa panukala na isama sa curriculum ng lahat ng pampubliko at pribadong elementary at secondary schools ang nutrition and health consciousness at ang kahalagahan ng agrikultura sa national food sufficiency.