Nation

INDEPENDENT PROBE SA LIANGA ‘MASSACRE’ HINILING

/ 20 June 2021

NANAWAGAN ang ilang kongresista para sa independent investigation sa sinasabing masaker sa Lianga, Surigao del Sur kung saan napatay ang isang 12-anyos na babae at dalawa pang miyembro ng Lumad-Manobo tribe.

Nanindigan din si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na taliwas sa akusasyon ng Armed Force of the Philippines, mga ordinaryong sibilyan lamang ang mga biktima at hindi miyembro ng New People’s Army.

“We condemn in the strongest possible terms the killing of Lumad-Manobo farmers. More human rights violations and crimes against humanity prevail under the Duterte administration, targeting civilians and presenting them as members of the New People’s Army,” pahayag ni Castro.

Iginiit naman ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na isang independent body ang dapat na magsiyasat sa pangyayari upang hindi mapagtakpan ang militar.

Samantala, binigyang-diin ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na dapat matiyak na may mananagot sa pangyayari para mabigyang hustisya ang pagkamatay ng mga biktima, lalo na ng 12-anyos na babae.

Isinalaysay naman ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat na nagpaalam pa ang mga biktima sa AFP detachment sa lugar para manguha ng mga abaka bago maganap ang insidente.

Sinabi ni Cullamat na katunayan ito na hindi mga rebelde ang mga biktima.

Iginiit ni Zarate na ito na ang ikalawang pagkakataon na minasaker ang ilang miyembro ng Lumad dahil sa hinalang mga miyembro sila ng NPA.

Tinukoy niya ang unang insidente noong September 1, 2015 kung saan tatlong Lumad leaders sa Lianga ang napatay.