Nation

INDEPENDENT AUDIT SA MODULES IPINANAWAGAN NG MGA GURO

/ 16 June 2021

KASUNOD ng isinagawang pagdinig ng Kamara hinggil sa kabiguan ng Department of Education na maibigay ang pangako nitong modules sa mga mag-aaral sa buong bansa, muling nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition na magsagawa ng independent audit sa naging gastusin ng ahensiya para sa produksiyon ng modules.

“Alam naman natin na magastos at hindi epektibo ang paggamit ng modules pero sapagkat itinuloy pa rin ito ng DepEd ay nakiisa ang mga guro, marami sa amin ay gumawa ng paraan para lamang matiyak na walang batang maiiwan,” ayon kay Benjo Basas, tagapangulo ng grupo at bagong hirang na tagapagsalita ng Ating Guro Partylist.

Batay sa monitoring ng grupo sa kanilang mga kasapi ay limitado ang modules na naipamigay mula noong first quarter at second quarter at lalo pa itong lumala nitong third at fourth quarter kung saan halos mga soft copy lamang ang ibinigay ng DepEd. Nauna nang nanawagan ang TDC na gumamit na lamang ng mga aklat upang makatipid sa gastusin ang gobyerno at maigugol pa sana sa ibang prayoridad ang nasa P10 bilyong pondo ng DepEd para sa modules.

Pinuna rin ng grupo ang mga pagkakamali sa modules at maging sa videos na inilabas ng DepEd na paulit-ulit na nangyari at ang ilan ay naging viral pa sa social media mula noong nakaraang taon.

“Sa pagsisimula pa lang ng distance learning na ito ay punum-puno na ng mga pagkakamali ang materials mula modules hanggang videos, yet patapos na ang school year ay hindi pa rin na-a-address ng DepEd. Worse, the DepEd leadership never consulted its teachers and would dismiss our valid concerns as mere criticism or even bashing. Kaya noong una pa man ay nananawagan na kami na magkaroon ng independent audit upang malaman kung saan napunta at paano ginastos ang nasa sampung bilyong pisong inilaan sa modules pa lamang. Malaking bahagi kasi ng gastos sa produksiyon ng modules na ginamit ng mga mag-aaral ay mula sa ayuda ng LGUs, donasyon ng pribadong sektor o kaya’y inabono ng mga guro maitawid lang ang pag-aaral ng mga bata,” dagdag pa ni Basas.

Ikinalulungkot umano ng mga guro ang ganitong mga pangyayari sapagkat kasama sila sa napupulaan ng publiko. Gayunman, sinabi ni Basas na walang kontrol ang isang pangkaraniwang classroom teacher sa nilalaman ng modules dahil ito ay dumaraan naman sa pagsusuri ng mga opisyal ng DepEd at sa mga sinasabi nilang eksperto.

“This school year closes next month, yet we encounter the same problems during the opening. Not too long ago, the DepEd confidently declared that the entire system is ready,” pagtatapos ni Basas.