Nation

‘INDEPENDENT AND FREE’ CAMPUS JOURNALIST HUBUGIN – SOLON

/ 4 August 2020

NAIS ni Senadora Leila de Lima na palakasin ang campus Journalism o campus Press Freedom sa bawat paaralan sa bansa upang humubog ng malaya at hindi pinakikialamang mamahayag sa mga paaralan.

Sa kanyang Senate Bill 1524 o ang proposed Campus Press Freedom Act of 2020, ipinaliwanag ni De Lima na ang student publications ang nagsisilbing katunayan na nararamdaman ng mga estudyante ang kanilang freedom of expression at freedom of the press.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng educational institutions mula elementary, secondary hanggang tertiary level, pribado man o pampubliko, ay kinakailangang magkaroon ng student publication na pamamahalaan ng student body sa pamamagitan ng kanilang editorial board and publication staff na binubuo ng mga estudyanteng pinili sa pamamagitan ng fair at competitive examinations.

Nakasaad sa panukala na mandato ng school administration na maglaan ng tanggapan para sa student publication at maging ng iba pang kinakailangan para sa operasyon.

Magiging independent naman ang student publication at hindi maaaring panghimasukan ng may-ari o administrasyon ng paaralan ang kanilang mga aktibidad, gayundin ang mga artikulo na kanilang isusulat.

Gayunman, para sa elementary at secondary institutions, maaaring gabayan ng school administration at ipagbawal ang paglalathala ng mga artikulo na libelous, oppressive o labag sa ethical standard ng journalism.

Sa tertiary level, pagkakalooban ng full autonomy ang editorial board ng student publication sa paghawak sa kanilang pondo subalit isasailalim sa audit ng school administration habang sa elementary at high school, ang faculty adviser ang may responsibilidad sa paghahanda at paghawak ng budget.

Nakasaad pa sa panukala na ang pagpopondo para sa student publications ay magmumula sa kokolektahing fees sa mga estudyante sa pribadong paaralan habang sa pampublikong paaralan, magmumula ito sa pondo ng institusyon.

Maaari ring tumanggap ang student publication ng donasyon.

Alinsunod din sa panukala, magsasagawa ang Commission on Higher Education, Technical Education and Skills Development Authority at Department of Education, katuwang ang mga media at campus press organization, ng periodic competitions, press conferences at training seminars.

Ang mga kompetisyon, conference at seminar ay isasagawa sa institutional, divisional at regional levels hanggang sa National School Press Conference.