INCENTIVES SA FRESH GRADUATES ISINUSULONG SA KAMARA
ITINUTULAK ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang pagbibigay ng insentibo sa mga bagong graduate upang matulungan ang mga ito sa pagsisimula ng bagong karera.
Sa kanyang House Bill 612 o ang proposed Bill of Rights for New Graduates, iginiit ni Vargas na karamihan sa fresh graduates ay nahihirapang maghanap ng trabaho na katumbas ng ideal benefits para sa kanila.
“The Bill of Rights shall apply to new graduates from all colleges and universities, and from accredited institutions offering technical-vocational courses,” pahayag ni Vargas sa panukala.
Batay sa panukala, mag-iisyu ang Public Employment Service Office, sa pamamagitan ng Bureau of Local Employment ng Department of Labor and Employment, ng ‘New Graduate’s Incentive Card’.
Gagamitin ang card para sa pagkuha ng mga pribilehiyo ng fresh graduates, kabilang ang health, housing at social security benefits
Sa ilalim nito, papayagan ang mga bagong graduate na maging sponsored member ng Social Security System at bigyan ng pagkakataong makapag-avail ng salary loan sa pamamagitan ng pagpapakita ng proof of employment.
Papayagan din ang fresh graduates na makapag-avail ng mga benepisyo sa ilalim ng Philippine Health Insurance Corporation sa loob ng isang taon matapos ang kanyang graduation.
Maaari ring payagan ang mga ito na makapag-avail ng home loan sa kondisyong matatapos nila ang voluntary contribution ng dalawang taon at may proof of employment.
Nakasaad din sa panukala na bibigyang prayoridad ang mga bagong graduate sa exemption sa pagbabayad ng fees at charges sa pagkuha ng birth certificate, tax identification number, clearnace mula sa National Bureau of Investigation, pasaporte at barangay clearance.
Minamandato rin sa panukala ang pagbalangkas ng bagong programa para sa pagpopondo at suporta sa business ventures ng mga bagong graduate.