ILANG SENADOR TINIYAK ANG SUPORTA KAY VP SARA
TINIYAK nina Senador Christopher Bong Go, Ronald Bato dela Rosa at Imee Marcos ang patuloy na pagsuporta kay Vice President Sara Duterte sa gitna ng pagbibitiw nito bilang kalihim ng Department of Education.
Sinabi ni Go na mula noon, hanggang ngayon, at hanggang sa mga darating pang mga pagsubok, kaisa siya ni Inday Sara lalo na sa hangaring ihatid ang aniya’y tunay na malasakit para sa mga guro at kabataang Pilipino.
Idinagdag ng senador na kilala niya si VP Sara noon pang nagsimula siya sa serbisyo publiko at hanggang ngayon ay ipinamamalas niya ang kanyang husay, katatagan, dedikasyon at maprinsipyong pagsisilbi sa bayan.
Naniniwala ang mambabatas na ito ang panahon para lalong unahin ang kapakanan ng ating mga kababayan.
Sinabi naman ni Dela Rosa na naniniwala siyang anuman ang rason sa pagbibitiw ng kalihim ay tiyak itong pinag-isipang mabuti at kinonsidera ang interes ng taumbayan
Umaasa si Dela Rosa na makakamit ng nagbitiw na kalihim ang kapayapaan at kaginhawaan sa kanyang kasalukuyang sitwasyon.
Anuman, aniya, ang desisyon nito sa mga susunod na panahon ay kanya itong susuportahan.
Iginiit naman ni Marcos na hindi kailanman mawawala ang kanyang pagmamahal, pagtitiwala at paniniwala sa kabutihan, husay at pakikipagkaibigan kay Vice President Sara.
Kasama, aniya, siya ng Bise Presidente sa bawat hakbang, bawat araw at bawat laban para sa pagtatagumpay ng Pilipinas.