Nation

ILANG LUMAD SCHOOLS GINAWANG RECRUITMENT GROUND NG NPA — AFP

/ 2 December 2020

Exclusive

NANINIWALA si Armed Forces of the Philippines-Southern Luzon Commander, Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na maraming paaralan sa bansa ang ginagawang ‘recruitment haven’ ng New People’s Army at kung pagbabasehan ang mga pangalang binanggit ng heneral ay pawang mula sa indigenous people o Lumad schools.

Sa panayam ng The POST, sinabi ni Parlade, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Armed Conflict, na posibleng kalat sa buong bansa ang mga paaralang lihim na pinapasok o naimpluwensyahan ng mga NPA para linlangin ang mga kabataan na sumama sa kanilang umano’y idelohiya.

Sinabi niya na ito ang dahilan kung bakit hindi matigil ang recruitment sa mga kabataan at mga estudyante.

Sa tanong ng The POST kung mayroon pang mga paaralan na nagagamit ang NPA kahit pa masigasig ang pamahalaan sa kampanya laban sa pag-recruit sa mga mag-aaral para maging rebelde, ang itinugon ng heneral ay “baka mayroon pa, hindi lang nakikita!”

“They are all over the country,” ayon sa heneral.

Ilan sa tinukoy ni Parlade na posibleng ginagamit ng NPA ay ang Mindanao Interfaith Services Foundation, Inc. sa Naujan, Mindoro; CLANS sa North Cotabato; ALCADEV Lumad indigenous school sa Surigao del Sur; Tribal Filipino Program of Surigao del Sur at Salapungan School sa Davao City.

Dagdag pa ni Parlade, pinakamarami ang Salugpungan Tanu Igkanugon Learning Center subalit 71 na umano ang nagsara habang may Salapungan School din sa Davao Oriental, Davao De Oro, Compostela Valley.

Samantala, tiniyak ni Parlade na gumagawa na sila ng paraan upang pigilan ang mga learner na sumapi sa mga komunista at nanawagan din ang militar sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak.

Maging sa mga rebelde ay nanawagan din ang pamahalaan na hayaan nang makauwi ang mga ni-recruit nilang learner sa kanilang mga pamilya at ipagpatuloy ang pag-aaral.