Nation

ILANG ISKUL SA NCR BALIK-F2F CLASSES NA

ILANG elementary at high school students sa Metro Manila ang nagbalik sa kanilang klasrum nitong Miyerkoles sa pagpapatuloy ng in-person classes sa ilalim ng Alert Level 2.

/ 10 February 2022

ILANG elementary at high school students sa Metro Manila ang nagbalik sa kanilang klasrum nitong Miyerkoles sa pagpapatuloy ng in-person classes sa ilalim ng Alert Level 2.

Isa sa mga eskuwelahang ito ang Ignacio B. Villamor Senior High School sa Sta. Ana, Manila na sinimulan na ang expansion phase ng limited face-to-face classes para sa Grade 12 TVL-ICT students.

Fully vaccinated laban sa Covid19 ang lahat ng mga guro at mga estudyante na dumalo sa face-to-face classes.

Sinisuguro rin ng eskwelahan ang mahigpit na pagpapatupad ng safety protocols para sa proteksiyon ng lahat ng mag-aaral, guro at school personnel.

“Sa kabuuan, naging maayos at matagumpay ang pagsasagawa ng expanded face-to-face class (hybrid set-up) sa aming paaralan,” wika ni Aljohn Cueva, guro sa Ignacio B. Villamor Senior High School.

“Alinsunod na rin sa mandato ng Kagawaran at sa gabay ng mga itinakdang minimum health protocols ng pamahalaan, naniniwala ang aming paaralan na ang ganitong klaseng inobasyon sa sistemang pang-edukasyon ay makatutulong upang matugunan ang ilang suliranin ng online at modular na uri ng klase,” dagdag pa niya.

Sinabi rin niya na malaki ang maitutulong ng muling pagkakaroon ng in-person classes sa learning process ng mga estudyante.

“Higit na nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na praktikal at personal na matutuhan ang mga kaalaman at kasanayan na kanilang kinakailangan sakaling magtuloy man sila sa kolehiyo o naisin na nilang magtrabaho sa hinaharap,” ayon pa kay Cueva.

Balik na rin sa face-to-face classes  ang mga mag-aaral sa Disiplina Village Bignay Elementary School sa Valenzuela City.

Inihanda ng eskuwelahan ang mga klasrum para sa mga estudyante sa Kinder at Grades 1 hanggang 3.  Hindi bababa sa 16 mag-aaral kada year level ang pinapayagang lumahok sa in-person classes.