Nation

ILANG GURO NAWALAN NG P26K-P121K BAWAT ISA SA ‘BANK HACKING’ — TDC

ILANG guro ang nawalan ng P26,000 hanggang P121,000 bawat isa makaraang ma-hack umano ang kanilang Landbank accounts, ayon sa  Teachers’ Dignity Coalition (TDC).

/ 25 January 2022

ILANG guro ang nawalan ng P26,000 hanggang P121,000 bawat isa makaraang ma-hack umano ang kanilang Landbank accounts, ayon sa  Teachers’ Dignity Coalition (TDC).

Sinabi ng TDC na inireport ng kanilang mga miyembro ang pagkawala ng kanilang pera matapos na ilipat ito mula sa kanilang Landbank payroll accounts sa ibang bangko o electronic wallets.

Ang halagang nawala ay mula umano sa regular salary at holiday bonuses hanggang lifetime savings ng mga guro.

Ipinaalam na ni TDC chair Benjo Basas sa Department of Education ang insidente at opisyal nitong isusumite ang mga detalye ng mga biktimang guro upang malutas ang isyu.

“Nagtitiwala kami sa Landbank na secured ang bawat account ng mga guro at empleyado, kahit pa sa online banking system nila, pero bakit may mga ganitong pangyayari?” pagtatanong ni Basas.

“Hindi po ito biro kasi malaking halaga na para sa aming mga guro ang isang buwang sahod o ang aming bonus, lalong masakit kung ang pinag-ipunan mong pera nang matagal ay mawawala nang ganun na lang,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Basas na dapat itong panagutan ng Landbank.

“May pananagutan ang Landbank sa mga insidenteng ito at nais naming tulungan kami ng DepEd upang mabawi ang perang nawala mula sa aming kasamahan,” ani Basas.