ID NA MAY QR CODE GAGAMITIN NG GLOBE KONTRA MANLOLOKO
NAKATAKDANG mag-isyu ang Globe ng mga ID na may quick response (QR) code sa lahat ng mga lehitimong ahente nito na namamahala sa paghahanap at pag-aasikaso ng mga lugar na pagtatayuan ng mga cell site at iba pang imprastraktura.
Layon nitong protektahan ang mga kontratista at mga empleyado nito mula sa mga manloloko.
Ang aksiyon na ito ng Globe ay tugon sa mga ulat na natanggap ng kompanya tungkol sa mga taong nananamantala sa tiwalang ibinibigay ng mga may-ari ng mga lupain at gusali. Gamit ang QR-code sa mga ID, maaaring agarang malaman kung tunay na kinatawan ng Globe ang katransaksiyon.
Panlaban din ito sa nagpapanggap na mga broker at contractor ng Globe na nanghihingi ng paunang bayad o reservation fee mula sa mga may-ari ng mga building o ng lote para sila ay makonsidera bilang kapartner ng kompanya.
“Nananawagan po kami sa publiko na maging maingat sa pakikipag-usap sa mga taong nagpapakilala na sila ay taga-Globe. Sana ay i-check muna ng mga property owners ang pagkakakilanlan ng kanilang kausap gamit ang mga QR codes sa kanilang mga ID. Magtatayo ang Globe ng maraming cell sites ngayong taon kaya naman kakailanganin namin ng mas maraming lokasyon para sa mga towers. Isa sa mga pangunahing prayoridad sa gawaing ito ay masiguro na hindi magiging biktima ng mga scammers at masasamang loob ang mga property owners,” pahayag ni Vince Tempongko, Globe VP para sa Site Acquisition and Management.
Hindi pinapayagan ng Globe ang mga ahente nito na humingi ng paunang bayad, komisyon o reservation fee sa mga may-ari ng lupa para maging lokasyon ng itatayong cell sites.
“Mariin naming ipinaaalala sa publiko na hindi nanghihingi ang Globe ng kahit anong bayad na ibibigay sa mga agents,” pagbibigay-diin ni Tempongko.
Ang agresibong pagpapatayo ng Globe ng mga tower at pagpapalawak pa sa serbisyong hatid nito sa mga subscribers ang dahilan kung bakit ang Globe ang pinaka-nag-improve sa “mobile average download speed across all technologies” na umabot sa 16.44 Mbps noong huling quarter ng 2020 mula sa 13.5 Mbps noong Q4 2019. Ito ay umangat ng 22%, ayon sa Ookla data.
Sinusuportahan din ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals, partikular na ang UN SDG No. 9 na kumikilala sa kahalagahan ng imprastraktura at innovation bilang mga pangunahing tagapagtaguyod ng pag-unlad ng ekonomiya. Nakatuon din ang Globe sa pagtupad sa 10 United Nations Global Compact principles at 10 UN SDGs.