ICT HUB SA BAWAT LALAWIGAN IPINATATAYO
SA GITNA ng implementasyon ng distance learning, isinusulong ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang pagtatayo ng Information and Communications Technology hub sa bawat lalawigan sa bansa.
Sa House Bill 7403 o ang proposed ICT Hub Act, iginiit ni Vargas na dapat magkaroon ng ICT hub sa 81 lalawigan upang maabot ng internet connection ang malalayong lugar sa bansa.
“The ICT sector has generated 1.35 million direct jobs and US $22.1 billion in revenues in 2017. ICT has not only paved way, but has become a pillar in the economy,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Target din ng panukala na makahikayat ng karagdagang pamumuhunan sa mga probinsya sa mga imprastraktura na gagamitin sa ICT at tiyaking may sapat na suplay ng enerhiya sa mga lalawigan.
Batay sa panukala, babalangkas ang provincial board, katuwang ang Department of Information and Communications Technology, ng ICT Plan sa bawat lalawigan.
Kailangang ikonsidera sa plano ang pagpopondo, paglahok ng pribadong sektor, at pagbibigay ng insentibo sa mga negosyante tulad ng local tax incentives.
Mandato rin sa panukala ang pagbuo ng Digital Infrastructure Fund na paglalaanan ng inisyal na pondo na P10 bilyon at karagdang 25 porsiyento kada taon hanggang umabot sa P50 bilyon.