Nation

HUSTISYA SIGAW SA PAGKAMATAY NG 2 LUMAD TEACHERS

NANANAWAGAN si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat sa gobyerno na agad bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga gurong sina Chad Booc at Gelejurain Ngujo II sa New Bataan, Davao de Oro.

/ 28 February 2022

NANANAWAGAN si Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat sa gobyerno na agad bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga gurong sina Chad Booc at Gelejurain Ngujo II sa New Bataan, Davao de Oro.

“Mariin kong kinokondena, kasama ang buong katutubong komunidad sa Mindanao, ang walang-awang pagpaslang sa dalawang guro ng Lumad Schools at kanilang mga kasama. Nananawagan kami ng agaran at masinsin na imbestigasyon sa sirkumstansiya ng kanilang pagkamatay,” pahayag ni Cullamat.

Iginiit ni Cullamat na silang mga katutubong Lumad sa Mindanao ay malaya at mapayapang namumuhay sa mahabang panahon at pinangangalagaan ang kanilang mga komunidad at lupang ninuno.

“Humingi kami ng tulong sa mga kapwa Pilipino mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Sa pagtutulungan na ito napaunlad namin ang aming komunidad at natugunan namin ang mga pangangailangan sa serbisyong panlipunan na sa mahabang panahon ay ipinagkait sa amin,” diin ni Cullamat.

“Ginagawa na nga namin ang lahat upang mapunan ang mga pagkukulang ng estado sa mga katutubo ngunit lalong tumitindi ang diskriminasyon at pambubusabos sa amin at sa lahat ng mabubuting tao na nakikiisa at tumutulong sa amin,” dagdag ng kongresista.

Gayunman, iginiit niya na ang isinusukli sa kanila ay ang sapilitang pagpapasara sa mga Lumadnong paaralan, sinampahan ng gawa-gawang kaso, hinuli at ikinulong ang mga guro.

“Hindi pa nakuntento ang mga berdugong militar, pinatay pa nila ang mga guro na nagbibigay ng serbisyong edukasyon sa aming komunidad at sa aming mga kabataan. Pagkatapos nilang patayin sina titser Chad Booc, titser Jurain at tatlo pang kasama, tinaniman ng baril at ginawang trophy ang kanilang mga bangkay,” dagdag pa niya.

Ipinaalala pa ng mambabatas na hindi gawaing terorista ang tumulong sa kapwa at sa mga nangangailangan.

“Sobrang bait ng aming mga guro, mahal na mahal namin sila. Sina Chad Booc at Teacher Jurain ay mga boluntaryong guro sa Lumad school sa Mindanao. Nakita namin kung paano nila inilaan ang galing at talino sa pagtuturo sa kabataang Lumad at sa pagsulong ng aming karapatan sa sariling pagpapasya at pagdepensa sa lupang ninuno.”