Nation

HUSTISYA KAY SALILIG TINIYAK NI PBBM

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Adamson University student John Matthew Salilig dahil sa hazing.

/ 3 March 2023

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Adamson University student John Matthew Salilig dahil sa hazing.

“I extend my sympathies to John Matthew Salilig’s family during this extremely difficult time and assure them that justice will be served,” ayon kay Marcos.

Natagpuan ang bangkay ni Salilig sa isang mababaw na libingan sa Imus, Cavite mahigit isang linggo matapos itong maiulat na nawawala.

Nauna nang sinabi ng pulisya na ang kanyang katawan ay nakitaan ng mga senyales ng hazing bagaman hinihintay pa nila ang resulta ng autopsy.

Lumabas sa imbestigasyon na sumailalim ang biktima sa welcoming rites ng Tau Gamma Phi chapter sa unibersidad noong hapon ng Pebrero 19.

Siya ay miyembro na ng chapter sa Zamboanga. Wala na umano sa magandang kondisyon ang biktima sa kalagitnaan ng seremonya. Pabalik na sa Maynila ang grupo nang mamatay ang biktima.

Sa halip na dalhin sa ospital si Salilig, nagpasya ang mga suspek na ilibing siya sa Cavite.

Tinuligsa ni Marcos ang mga aktibidad ng hazing sa mga fraternity at iba pang grupo, at sinabing hindi sa pamamagitan ng karahasan masusukat ang lakas ng kapatiran.

“There should be no room for violence in our student organizations which our children consider family, and in our schools which they consider their second home,” anang Pangulo.