HTAC MAY NAGING PAGKUKULANG SA NAAKSAYANG 31M COVID19 VACCINES — GARIN
KINALAMPAG ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Representative Janette Garin ang Health Technology Assessment Council (HTAC), ang independent advisory council ng Department of Health(DOH), na maging mabilis at magpalabas ng napapanahong rekomendasyon lalo pagdating sa bakuna upang hindi na maulit ang P15.6-M halaga o 31 milyong naaksayang Covid19 vaccines.
Ayon kay Garin, ang mandato ng HTAC na nabuo sa ilalim ng Republic Act 11223 o Universal Health Care Act(UHC) ay magbigay ng abiso sa DOH at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung ano ang dapat na gawing health interventions. Ang HTAC Core Committee ang nagbibigay ng pinal na rekomendasyon base sa naging assessment o evidence appraisal ng HTAC subcommittees, subalit nagkakaroon ng matagal na desisyon na inaabutan na ng pagka-expire ng mga bakuna.
.
“Isa sa masalimuot na katotohanan sa Pilipinas ay ang bawat desisyon ng DOH ay dadaan muna sa HTAC na sa ilang pagkakataon ay nararapat, subalit may ilang sitwasyon na masyadong matagal ang rekomendasyon na bandang huli ay nawawalan na ng bisa gaya na lang sa nangyari sa Covid vaccine,” pahayag ni Garin.
Aniya, inasahan na nilang maraming maaaksayang Covid vaccines dahil habang ang ibang bansa ay nagsisimula na ng kanilang booster shot, ang HTAC ay hindi pa nagdedesisyon kung kailan ibibigay ang bakuna. Hinihintay nito ang resulta ng kanilang isinagawang trials kumpara sa ibang bansa na nagbase na sa real world data, nakikita na maraming namamatay, marami ang nagkakasakit kaya nagsimula na ito agad na magbigay ng booster nang walang pinagbabasehang laboratory data.
“Nakakapanghinayang talaga ‘yung nag-expire na bakuna, although we saw it coming kasi kung maaaala n’yo as early as June and July maigting na ang panawagan na pahintulutan ang unang booster kasi paparating na ang Delta variant. Tumagal ito at pinayagan sometime in December pa, kung saan medyo madami na ang nainfect at madami na ang namatay at nang payagan ang 2nd booster ay dahil pa_expire na ang bakuna” ani Garin.
Sa laban sa infectious diseases, iginiit ni Garin na isang vaccinologist, na ang pagbabakuna ay laging epektibo sa harap ng infection, kaya dapat kung may outbreak, sa unang kaso pa lang ay samantalahin na ito.
“You take advantage sa awareness ng mga tao kasi yon talaga ang panahon na madami ang magpapabakuna. If you miss that window, almost always kapag wala ka nang nakikitang namamatay, itinatakbo sa hospital, nawawala ang adrenalin ng tao magpabakuna, iyan ang behavior ng vaccination ever since,” dagdag pa niya.
Pinuna ni Garin ang kawalan ng “flexibility” ng HTAC kaya maraming resources ang naaksaya.
Inihalimbawa niya ang nangyari sa Covid vaccines kung saan bumili ng madaming bakuna ang private sector na gusto nilang gamitin para sa booster shot subalit hindi agad pinagamit.
“Parang kumbaga masyadong by the book, empowering HTAC too much that all decisions of DOH will have to depend on the council na hind naman full time at walang accountability, what happens is maraming nasasayang na resources, so we really have to amend the UHC law na may mga killer provisions,” giit pa ng kongresista.
Bukas si Garin na maghain ng panukala sa Kamara para maamyendahan ang ilang probisyon na nagbibigay ng maraming kapangyarihan sa HTAC.
Aniya, hindi niya inirerekomenda na i-abolish ang HTAC, bagkus ay limitahan lang ang saklaw nito sa health tech assessment o ang pagtatakda sa pricing ng mga bibilhing resources at hindi na pakikialaman ang program implementation upang maiwasan na magkaroon ng problema.
Umaasa siya na makakakuha siya ng suporta sa mga kapwa mambabatas para sa pag-amyenda sa ilang probisyon sa UHC law, partikular sa sakop ng HTAC.
“I’ve been going around and advocating it, kailangan lamang maging bukas kasi medyo sarado ang iba. Meron ibang original authors ng UHC na parang ayaw ipagalaw, kasi hindi nila nakikita ang malalim na problema. This should be really be corrected dahil nagigng kawawa at the end of the day ay ang taumbayan,” dagdag pa ni Garin.