HRMOs CASE MANAGEMENT PARA SA DEPED EMPLOYEES NA APEKTADO NG COVID19 PINATATAG
NAGSAGAWA ang Department of Education ng webinar sa kung paano magbibigay ng suporta sa mga kawani ng ahensiya na apektado ng Covid19.
Ito ay upang masiguro na handa ang Human Resource Management Officers sa paghahatid suporta at serbisyo para sa mga empleyadong apektado ng pamdemya.
“The purpose of this is to ensure our employees, our peers, [and] our colleagues are equipped with knowledge and understanding of the latest benefits and assistance in Covid19 from our partner agencies Employee Compensation Commission and PhilHealth so that we can put it into action,” wika ni Undersecretary for Human Resource and Organizational Development Jesus Mateo sa kanyang panimulang mensahe.
Katuwang ang ECC at ang PhilHealth sa webinar bilang mga tagapagsalita at upang ibahagi ang mga suporta at benepisyong mayroon ang kanilang ahensiya para sa mga empleyado.
Ipinakilala ng ECC ang kanilang Employees’ Compensation Program na nakadisenyo upang magbigay sa mga empleyado at kanilang pamilya ng mga income benefit, pang-medikal, at iba pang benepisyo na kaugnay sa mga work-connected na karamdaman, pinsala, o kamatayan.
Nilinaw rin ng ECC na kasama at may kaakibat na benepisyo ang mga kaso ng Covid19 sa ilalim ng EC Program hangga’t ang sakit na nakuha ay habang nagtatrabaho.
Para naman sa ilalaang panahon para sa pagkuha ng benepisyo, ayon sa ECC, hindi na mabibigyang benepisyo ang mga lumipas na insidente maliban kung ang nasabing insidente ay naipatala sa mga nararapat na ahensiya (SSS para sa pribadong sektor at GSIS naman para sa empleyado ng gobyerno) sa loob ng tatlong taon mula sa panahon ng pagkakasakit, pinsala, o pagkamatay.
Samantala, ipinaliwanag naman ng PhilHealth ang mga benepisyo para sa mga na-ospital at kumpirmadong kaso ng Covid19. Kinategorya ng PhilHealth sa apat na bahagi ang halaga at benepisyong matatanggap ng isang empleyado:
- Mild Pneumonia (hospitalized, private room): ang pasyente ay makatatanggap ng P43,997 assistance;
- Moderate Pneumonia (hospitalized, private room), na may katumbas na halagang P143,267;
- Severe Pneumonia (hospitalized, private room, ICU) na mayroong benepisyong P333,519; at para sa
- Critical Pneumonia (hospitalized, private room, ICU): ang halaga ng benepisyong matatanggap ay P786,384.
Binigyang-diin din ng PhilHealth na ang halaga ng benepisyong matatanggap ay nakadepende sa kalubhaan ng sakit na dinaranas ng empleyado.
Sa ilalim naman ng Testing Package ng PhilHealth, ang Covid19 swab test ay kasama sa may katumbas na benepisyo, at ang halaga ng benepisyo ay nakaayon sa mga kagamitan at makinaryang ginamit. Ipinaalala rin ng ahensiya na dapat siguruhin ng mga empleyado na kinikilala ng PhilHealth at ng Department of Health ang kanilang pupuntahang testing laboratory.
Nakikita ng DepEd na ang mga HR Officer ay sapat ang nalalaman at may kapasidad na magbigay serbisyo sa mga empleyado sa kanilang pagpoproseso ng mga kailangan, pagkausap sa mga opisina ng mga ahensiya, pag-adapt sa referral mechanisms, at pakikilahok ng mga ito sa mga programa.
“Being an HR officer/personnel at our respective offices at various governance levels, it is important that we provide timely information to all our colleagues [and] our peers para sa gano’n hindi sila mag-worry,” sabi ni Mateo.