Nation

HOUSING PROGRAM PARA SA MGA GURO HINIHIMAY NA SA KAMARA

/ 28 February 2021

BUMUO na ang House Committee on Housing and Urban Development ng technical working group upang pag-aralan ang mga panukala kaugnay sa pagbuo ng housing program para sa mga pampublikong guro.

Sa pagdinig ng komite sa pangunguna ni Negros Occidental Rep. Francisco Benitez, nagkasundo ang mga miyembro na i-consolidate ang mga probisyon ng House Bills 613, 1739, 1871 at 3112 na pawang naglalayong bumalangkas ng housing program para sa public school teachers.

Sinabi ni Benitez na napapanahon na ang programa para sa mga guro na itinuturing na ‘overworked at underpaid’.

“It is then only right for the government to recognize their hard work by providing them with their own homes, which is a fundamental human right,” pahayag ni Benitez.

Suportado naman ng Department of Education, Department of Public Works and Highways, Government Service Insurance System at Pag-IBIG ang mga panukala.

Kasabay nito, hiniling ng mga mambabatas sa Department of Human Settlements and Urban Development at sa DepEd na maghanap na ng mga nakatiwangwang na lupa ng gobyerno na maaaring gamitin sa housing program.

Sa mga panukala, ipinaalala ng kongresista na ang edukasyon ang isa sa best investments ng bansa at maisusulong ang dekalidad na edukasyon kung may magagaling na mga gurong gagabay sa mga estudyante.

Batay sa mga panukala, mandato ng government housing at financing agencies na gumawa ng special housing projects at magkaroon ng pondo para sa mga guro.

Magbibigay rin ng fiscal incentives para sa private sector developers na makikiisa sa implementasyon at development ng teachers’ housing program.

Binigyang-diin ng mga mambabatas na sa pamamagitan ng programa, matutulungan ang mga Filipino educator na iangat ang antas ng kanilang pamumuhay at mapalakas ang kanilang morale at self-esteem bukod pa sa solusyon ito para mapigilan ang mga competent teacher  na umalis ng bansa at magtrabaho sa ibayong dagat.