Nation

HOME ECONOMICS, HISTORY IPINABABALIK SA SCHOOL CURRICULUM

/ 19 July 2022

KUNG si Senador Robin Padilla ang tatanungin, nais niyang ibalik sa school curriculum ang Home Economics bukod sa History.

Sinabi ni Padilla na sa pagrepaso sa K to 12 system, dapat tutukan ang pagbabalik ng pagtuturo ng Philippine History upang maging mulat ang kabataan sa pinagmulan ng bansa at ng mga Pilipino.

“Magsentro tayo sa Philippine History kasi imposibleng hindi mapag-usapan ang Asian o World history. Kasama tayo lagi sa world history hanggang ngayon. Magsentro sa atin kasi kapag hindi natin sinanay ang ating kabataan na alam nila saan ang ugat nila, parang puno ‘yan kahit mahinang hangin lang babagsak ‘yan,” pahayag ni Padilla.

“Paano natin sasabihin na taas-noo dahil Pilipino ka? Paano mo itataas ang noo mo kung ‘di mo alam ang pinagmulan mo?” tanong pa ng senador.

Bukod sa history, mahalaga rin para sa mambabatas ang pagbabalik ng pagtuturo ng Home Economics upang matuto ang mga estudyante ng mga praktikal na kaalaman sa pamumuhay.

“Hindi lang history, pati home economics kasi nawala ito. Ito ang mga bagay na dapat ibalik. Noong elementary kami tinuturuan na kami magsaing, magluto…ngayon ang bata sabihin mo magsaing tatanungin ano daw yun,” paliwanag ng senador.

Binigyang-diin din na na maging ang pagnenegosyo ay itinuturo sa Home Economics.

Iginiit ng senador na dapat mga bata pa lamang ay maimulat na ang mga estudyante sa larangan ng pagnenegosyo.