HIWALAY NA KAGAWARAN PARA SA TECHNICAL EDUCATION TRAINING PINABUBUO
NANINIWALA si Antique Rep. Loren Legarda na panahon na upang palakasin pa ang kapangyarihan at awtoridad ng Technical Education and Skills Development Authority upang makatugon sa lumalaking demand ng labor resources.
Sa kanyang House Bill 2182, isinusulong ni Legarda ang pagtatatag ng Department of Technical Education Training and Certification na may mandatong magpatupad ng mga polisiya na may kinalaman sa technical and vocational education, gayundin sa skills training.
Sinabi ni Legarda na patuloy ang TESDA sa pagbuo ng iba’t ibang istratehiya para sa pagtugon sa mga pangangailangan ng merkado sa labor resources.
“However, these strategies may not be attained if TESDA’s organizational structure, its own manpower and ability to produce higher quality of learning and training materials are still among the primary hindrances that prevent the progress of TESDA,” sabi ni Legarda sa kanyang explanatory note.
Layon ng panukala na palakasin pa ang kalidad ng technical education at training programs para sa global competitiveness; matutukan ang technical education and training and certification upang makatugon sa mga nagbabagong demand sa quality manpower; at tumulong sa poverty alleviation efforts sa pamamagitan ng pagbibigay ng income generating taining opportunities sa marginalized at vulnerable sectors.
Alinsunod sa panukala, ia-absorb ng bubuuing departamento ang buong TESDA at ito ang magiging ahensiyang nakatutok sa pagbuo, pagpapatuloy at pagsasaayos ng lahat ng technical education, training at certification policies, plans at programs.
Bibigyan din ng kapangyarihan ang departamento na mag-review at magrekomenda ng mga kaukulang aksiyon hinggil sa technicahl assistance programs at grants-in-aid para sa technical education o training.
Batay pa sa panukala, magtatalaga ng kalihim para sa departamento kasama ang apat na undersecretaries at apat na assistant secretaries.
Sa ilalim ng kagawaran ay magkakaroon ng Planning Bureau, Partnerships and Employment Facilitation Bureau, Incentives and Scholarship Bureau, National Institute for Technical Education and Training, Qualification and Standards Bureau, Accreditation and Certification Bureau, Administrative Services, Financial and Management Services, Internal Control and Quality Management Service, gayundin ng regional offices.