Nation

HIWALAY NA BATAS PARA SA PROTEKSIYON SA STUDENTS’ RIGHTS PINALAGAN

/ 12 August 2020

TINUTULAN ng Coordinating Council of Private Educational Associations ang panukala para sa pagbalangkas ng bagong batas na pagbibigay ng proteksiyon sa mga karapatan ng mga estudyante sa gitna ng ulat ng mga pag-abuso sa iba’t ibang paaralan.

Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture, sinabi ni COCOPEA Managing Director, Atty. Joseph Noel Estrada na may mga probisyon na sa Konstitusyon na nangangalaga sa mga karapatan ng mga estudyante at hindi rin tama na sabihing kulang ang mga batas dahil marami nang inaprubahanng batas upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Inihalimbawa ni Estrada ang Campus Journalism Act, Unified Financial Assistance System for Tertiary Education Act, Safe Spaces Act, Higher Education Act, Governance of Basic Education Act at iba pang mga probisyon sa iba’t ibang mga batas.

Nangangamba si Estrada na kung maaprubahan ang isinusulong na House Bills 318, 1416 at 6368 para sa pagbalangkas ng national framework upang protektahan ang mga karapatan at kapakanan ng mag estudyante ay matatabunan naman nito ang karapatan ng mga guro at maging ng school administration.

Binigyang-diin naman ng kinatawan ng Commission on Higher Education sa pagdinig na dapat ding bigyang atensiyon ang paghubog sa mga estudyante sa pagtupad sa kanilang mga responsibilidad kaakibat ng kanilang mga karapatan.

Sinabi ni Dr. Mary Sylvette T. Gunigundo, pinuno ng Quality Assurance Division ng CHED, na mahalaga ring mabuhay sa mga estudyante ang nationalism at patriotism.

Sa kabilang dako, inihayag ng isa sa mga author ng panukala na si Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na ang karapatan ng mga estudyante ay karapatang pantao na dapat tiyakin sa bawat oras.

Ikinatuwa naman ng National Union of Students of the Philippines ang isinusulong na panukala na naglalaman ng kakaibang probisyon para bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na makasama sa policymaking sa mga paaralan hindi lamang sa pagbuo ng student handbook kundi maging sa mga usapin ng pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin.

Dahil sa magkakaibang posisyon sa panukala, nagpasiya ang komite na bumuo ng technical working group sa pagbalangkas ng katanggap-tanggap na probisyon sa bawat panig.