HIRIT NG PRIVATE SCHOOLS: F2F CLASSES IURONG SA HUNYO 2022
HINILING ng Federation of Associations of Private Schools and Administrators na sa Hunyo 2022 na simulan ang face-to-face classes sa mga pribadong eskuwelahan.
HINILING ng Federation of Associations of Private Schools and Administrators na sa Hunyo 2022 na simulan ang face-to-face classes sa mga pribadong eskuwelahan.
Ayon kay Eleazardo Kasilag, pangulo ng FAPSA, kung magsisimula sa Enero 2022 ang in- person classes ay posibleng kapusin ang panahon ng pagtuturo ng mga guro sa mga bata.
Ito, aniya, ay dahil tatlong buwan na lamang ang pasok sa paaralan dahil sa katapusan ng Marso o unang linggo ng Abril ay bakasyon na kaya makabubuting simulan ang face-to-face classes sa Hunyo ng susunod na taon.
Dagdag pa ng FAPSA, layunin nito na matiyak ang kahandaan ng mga pribadong paaralan sa pagbabalik sa silid-aralan ng kanilang mga estudyante.
Samantala, itinanggi ni Kasilag na mula sa private schools ang mga batang hindi marunong magbasa, na ulat ng World Bank.
Giit ni Kasilag, tinitiyak ng mga samahan ng private schools na pre-school pa lang ay mahusay na sa pagbabasa, pagsusulat at pagbibilang ang kanilang mga estudyante.
Aniya, ang pagsisikap para sa dekalidad na edukasyon ay signature ng private schools lalo na’t pay education ang mga ito.
“Hindi galing sa amin ang ulat na siyam sa 10 kabataan ay hindi marunong magbasa, dahil pre-school pa lang, mahuhusay na ang aming mag-aaral na nasa edad 2,” paliwanag pa ni Kasilag.