Nation

HIRIT NA DAGDAG-PONDO NG TESDA PARA SA 2021 PAG-AARALAN NG SENADO

/ 28 September 2020

ATUBILI si Senate Committee on Higher and Technical Education Chairman Joel Villanueva na iendorso ang hinihinging P14 bilyon na dagdag-pondo ng Technical Education and Skills Development Authority para sa 2021.

Sinabi ni Villanueva na pag-aaralan nila ang isusumiteng talaan sa kanila ng TESDA bago magdesisyon kung pagbibigyan ang hinihingi ng ahensiya.

“Not really inclined but we will look into it considering there are unused funds in 2019 and this year 6% of the target scholars pa lang ang enrolled. They will submit their catch up plan and we’ll study,” pahayag ni Villanueva.

Lumitaw na sa 2019 budget ng TESDA, nasa P637 milyon pa ang natitira sa kanila para sa kanilang scholarship program habang ngayong 2020 ay P7.2 bilyon pa ang nalalabi sa kanilang budget para sa programa.

Sa datos ng TESDA, nasa 12,393 pa lamang ang naka-enroll sa training programs nila ngayong taon mula sa target nilang mahigit 200,000.

Ipinaliwanag ni TESDA Director General Isidro Lapeña na nagkaroon ng delay sa kanilang paggastos noong nakaraang taon dahil sa eleksiyon habang ngayong 2020 ay nag-slow down din dahil sa Covid19 pandemic.

“We are confident, we can use these funds para sa mga kababayan natin dahil marami ang nangangailangan ng training. Kapag na-lift na ang community quarantine, we can go full steam ahead of the trainings. daming naghihintay niyan,” pagtitiyak ni Lapeña.

Ipinaliwanag ng opisyal na mahalaga sa kanila ang dagdag na pondo dahil palalawakin nila ang kanilang special programs para sa overseas Filipino workers at scholarship assistance para sa mga nakinabang sa Balik Probinsiya Bagong Pagasa Program ng pamahalaan.

Sinabi ni Lapeña na kasama sa mga pagkakagastusan ang pagtatayo ng Cordillera State Technical Education Center; Rizal, Occidental Mindoro Training Center at paghahanda para sa hosting ng bansa sa ASEAN Skills Competition sa 2022.