Nation

HIRING NG COMMUNITY TUTORS, SCHOOL NURSES IPINASASAMA SA BUDGET NG DEPED

/ 12 October 2021

SA GITNA ng pagpapatuloy ng laban kontra Covid19 pandemic, inirekomenda ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na isama sa panukalang budget para sa susunod na taon ang pagkuha ng community tutors at school nurses.

Sa kanyang sulat kay House Speaker Lord Allan Velasco, sinabi ni Castro na dapat maisama sa pondo ng Department of Education ang pagkuha ng 50,000 community tutors.

Ipinaliwanag ng kongresista na ang mga community tutor ang tutulong sa milyong-milyong kabataan na naka-enrol sa pamamagitan ng modular distance learning dahil walang anumang gadget na magagamit para sa komunikasyon.

Idinagdag pa ni Castro na tututukan din ng mga community tutor ang mga non-reader  at non-independent learner at ang mga estudyanteng ang mga magulang ay walang kapabilidad na sila ay turuan.

“For this purpose, I propose an appropriations of P11,813,900,000,” pahayag ni Castro sa kanyang sulat.

Bukod dito, inirekomenda rin ng mambabatas ang pagkuha ng 1,000 full-time school nurses sa mga lugar na kasama sa limited face-to-face classes.

Sa kanyang rekomendasyon, nais ni Castro na maglaan ang DepEd ng P491,458,000 para sa hiring ng school nurses.