HINDI AKO ANTI-UP — SEN. DELA ROSA
NILINAW ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na hindi siya anti-University of the Philippines sa gitna ng kanyang pagpabor sa desisyon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na i-terminate ang 1989 DND-UP accord.
“Ang pagpabor naman natin sa abrogation, I am not anti-UP. Ina-appreciate ko ang UP na nag-produce ng best and the brightest. I am not anti-UP. I am anti-CPP-NPA-NDF. Sa mga nagsasamantala sa accord na ‘yan. Ang paggamit sa campuses para sa pag-recruit,” pahayag ni Dela Rosa.
Kasabay nito, nanindigan si Bato na hindi ang palpak na listahan na inilabas ng Armed Forces of the Philippines sa mga estudyanteng namatay sa bakbakan ang batayan ng termination.
“Lumabas ang kapalpakan ng listahan ng mga namatay ‘kuno’ na UP students ay after naman ng abrogation, so sigurado ako na hindi ‘yun ang basehan. May basehan si Secretary Lorenzana na may listahan talaga,” paliwanag ni Dela Rosa.
Muling binigyang-diin ng senador na dapat magkaroon ng pantay na oportunidad ang mga pulis at sundalo na makapag-recruit sa loob ng UP.
“Sana may equal opportunity ang AFP at PNP sa pag-recruit sa mga estudyante na maging sundalo at pulis, ‘di ko sinabing paboran n’yo ang gobyerno. You are a government institution pero bawal ang gobyerno pumasok? Saan ka nakakita ng ganung pag-iisip? Government forces ‘di puwedeng makapasok, very unfair sa gobyerno,” giit pa ng senador.
Iginiit din ng senador sa intelligence group ng law enforcement agencies na ayusin ang kanilang trabaho, may intel funds man sila o wala.
“Ayusin nila pero ‘wag natin gawing rason na napakalaki ang intel funds nila. Hindi naman ganung kalakihan, buong AFP ang gumagamit niyan. Ang akin kahit may intel funds ka o wala ayusin mo ang trabaho mo,” diin pa ni Bato.