HILING NA HOUSE PROBE SA PAGBILI NG LAPTOPS NG DEPED PREMATURE, UNFAIR — DBM
NILINAW ng Department of Budget and Management na nagpapatuloy pa ang bidding process ng Department of Education para sa pagbili ng mga laptop na ipamamahagi sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Taliwas ito sa impormasyong natanggtap ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na nai-award ang proyekto sa bidder na may mas mataas na project cost.
Una nang nanawagan si Herrera-Dy sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa procurement ng DepEd ng 39,000 laptops sa second lowest bidder sa halagang P2.3 billion, na mas mataas ng P167 million sa bid ng lowest bidder.
Sa pahayag ng Procurement Service ng Department of Budget and Management na ipinadala sa The Post, binigyang-diin na wala pang kontratang naaprubahan sa kahit alinmang bidder.
“The bidding process is ongoing and no contract has been awarded. Thus, Rep. Herrera-Dy’s call for Congress probe is not only premature but grossly unfair,” pagbibigay-diin ng PS-DBM sa isang statement.
Sinabi pa ng ahensiya na maituturing na pang-iimpluwensya sa proseso ang naging aksiyon ng mambabatas.
Binigyang-diin din ng DBM na ang anumang government project ay hindi awtomatikong ibinibigay sa lowest bidder at sa halip ay sa Lowest Calculated Responsive Bid.
Nangangahulugan ito na ang bid ay mula sa tecnically, legally at financially capable supplier na nakatutugon sa technical specification ng proyekto.
Ipinaalala pa ng DBM-PS na may mga legal na proseso sa disqualified bidders upang kuwestiyunin ang desisyon ng ahensiya, kabilang na rito ang paghahain ng Request for Reconsideration, protesta o kaso sa korte.
“In light of these misinforned claims and allegations, PS-DBM urges Rep. Herrera-Dy to refrain from making premature remarks and to be enlightened of the procurement process,” nakasaad pa sa statement ng ahensiya.
“We also call on the legislators to accord PS-DBM employees the presumption of good faith and regularity as they are merely faithfully performing their duties as public servants,” dagdag pa ng DBM.