HILING NA GADGET NG ESTUDYANTE NG MINDANAO STATE U TINUGUNAN NG SENADOR
TINUGUNAN ni Senador Bong Go ang hiling ng isang estudyante ng Mindanao State University na magkaroon ng gamit para sa online learning.
Sa recorded video message, sinabi ni Go sa estudyanteng si Van Jason Arellano, isang incoming freshman ng Mindanao State University sa Naawan, Misamis Oriental, na may ipinadala na siyang tablet na inaasahan niyang makatutulong sa kanyang pag-aaral.
Sinabi ni Go na batid niyang isang matalinong mag-aaral si Arellano kaya hindi siya nagdalawang -isip na tugunan ang kahilingan nitong gadget.
Sa sulat ni Arellano kina Go at Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nitong pang-apat siya sa limang magkakapatid kung saan nasa kolehiyo na rin ang mga nakatatanda niyang kapatid habang nasa high school ang nakababata.
Subalit dahil isang construction worker lamang ang kanilang ama ay hindi nila kakayaning bumili ng bagong gadget para magamit sa kanyang pag-aaral.
Una nang nag-viral sa social media ang post ni Arellano na #PisoParasaLaptop kung saan siya humihingi ng piso-piso lang na donasyon para maipon niyang pambili ng laptop or gadget sa pag-aaral.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Go na nagpapasalamat siyang sa gitna ng Covid19 pandemic ay marami pa ring kabataan ang nagsisikap para sa kanilang kinabukasan.
Idinagdag pa ng senador na nauunawaan nila ni Pangulong Duterte ang hirap ng buhay na isa sa mga dahilan kaya isinulong nila na maipagpaliban ang pagsisimula ng klase upang mabigyan pa ng mas mahabang panahon ang mga magulang, estudyante at maging ang mga eskuwelahan na makapaghanda para sa online blended learning.