HIGIT TEN CATHOLIC SCHOOLS NAGSARA DAHIL SA COVID19
HINDI bababa sa 10 Catholic schools sa buong bansa ang pansamantalang nagsara dahil sa Covid19 pandemic, ayon sa Catholic Educational Association of the Philippines.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni CEAP Executive Director Jose Allan Arellano na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamahalaan para mas mapahusay pa ang polisiya sa pagbibigay ng tulong sa mga pribadong paaralan upang maiwasan ang permanenteng pagsasara ng mga ito.
Ayon kay Arellano, hindi maitatanggi ang epekto ng pandemya sa mga pribadong paaralan sa bansa.
“Malaki ang kinalaman ng pandemic sa kawalan ng enrollees ng maraming paaralan, maraming private schools kasi nga walang hanapbuhay ang mga parents, walang pambayad ng tuition,” sabi niya.
“Pinili ng simbahan at ng mga pari at madre na magsara muna sila,” dagdag pa niya.
Gayunman, sinabi ni Arellano na karamihan naman sa mga Catholic school sa bansa ay nasa ‘stable’ na kalagayan habang ang nakararanas ngayon ng hirap ay ang mga maliliit na institusyon na mayroong 100 hanggang 200 estudyante.
Dagdag pa ni Arellano, ang mga apektadong guro ng mga Catholic school na pansamantala o permanenteng nagsara ay binibigyan ng separation pay o ina-absorb sa mga kalapit na eskwelahan na pag-aari ng parehong congregational institution o diocese.
Hindi binanggit ni Arellano ang mga Catholic school na pansamantalang nagsara ngunit sinabing karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa mga rehiyon, partikular sa Central Luzon, ang iba ay sa Visayas, at isa sa Mindanao.