HIGIT NA MAAYOS NA SCHOOL FACILITIES TINIYAK SA 2021 BUDGET – SENATOR
TINIYAK ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara ang paglalaan ng sapat na pondo para sa mas maayos na pasilidad ng bawat paaralan.
Sa botong 22-0, inaprubahan na nitong Huwebes ng Senado ang P4.5 trilyong panukalang 2021 national budget.
Sa kanyang speech sa presentasyon ng panukalang budget, sinabi ni Angara na kasama sa kanilang pinondohan ang paglalagay ng solar panels sa mga paaralan.
“Para sa buong sektor ng edukasyon, dinagdagan po natin ‘yung pondo ng Department of Education para sa school supplies, equipment at mga printing requirements para sa mga class modules,” pahayag ni Angara.
“Sa pangunguna naman nina Vice Chairperson Imee Marcos at Sen. Ralph Recto, magkakaroon din ng mga solar panel ang ilang paaralan sa bansa,” dagdag nito.
Kinumpirma rin ni Angara ang pondo para sa pagtatayo ng National Child Development Centers, gayundin para sa Philippine Science High School system para sa upgrading ng kanilang school equipment.
Para naman maresolba ang mga problema sa self-learning modules, inihayag ni Angara na naglagay sila ng probisyon sa panukalang budget na nag-aatas sa DepEd na magkaroon ng epektibong quality assurance of learning modules program.
“Maraming umikot na social media post tungkol sa mga learning modules na may maling impormasyon o may questionableng pananaw na isinusulong. Kaya para masigurado na aaksyunan ito ng DepEd, magiging key performance indicator ang kalidad ng mga module na kanilang ilalabas,”diin ni Angara.
Magpapatuloy rin ang Alternative Learning System, partikular ang pagpapatakbo ng ALS Community Learning Centers kasama ang pagbabayad sa transportasyon at teaching aid allowance ng mga ALS teacher at Community ALS Implementer sa gitna ng pandemya.
Sa ilalim din ng 2021 budget, dinagdagan ang pondo para sa scholarship programs ng Commission on Higher Education.
“Sana magsilbi itong insentibo sa mga magulang at mag-aaral na ‘wag muna silang tumigil sa pag-aaral, bagaman nasa kalagitnaan pa tayo ng pandemya,” giit pa ng senador.
Inaasahan namang magsisimula na ang bicameral conference committee meeting ng dalawang kapulungan ng Kongreso para sa panukalang budget sa Sabado.