HIGIT 400 ESTUDYANTE SA MANDALUYONG NAGTAPOS NG TECH-VOC
MAHIGIT 400 estudyante mula sa Mandaluyong ang nagsipagtapos sa kursong tech-voc, ayon sa lokal na pamahalaan.
Pinangunahan ni Mandaluyong City Mayor Ben Abalos ang simpleng graduation rites para sa tech-voc students ng Mandaluyong Manpower and Technical-Vocational Training Center kahapon, Mayo 31, sa Mandaluyong City Hall.
Sa kanyang mensahe, masayang binati at pinasalamatan ni Mayor Abalos ang mga nagsipagtapos dahil sa kanilang dedikasyon, pagsusumikap, at tiyaga sa pagkumpleto ng pagsasanay na ito.
“Congratulations sa mahigit 400 na mag-aaral na kabilang sa ika-85 Commencement Exercises ng Mandaluyong Manpower and Technical-Vocational Training Center na ginanap ngayong araw sa ating Atrium-Executive Building,” ani Abalos.
Idinagdag pa niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kasanayan o trainings gaya ng mga kursong ibinibigay ng MMTVTC para makatulong sa kanilang pag-unlad sa hinaharap.
Ang mga nagtapos ay mula sa 16 na iba’t ibang kurso, kabilang dito ay ang ref and aircon servicing, automotive servicing, basic computer literacy, bread and pastry production, housekeeping, electrical installation maintenance, food processing, shielding metal arc welding, massage therapy at iba pa.
“Patuloy nating palalakasin ang technical-vocational training center para makapagbigay ng kasanayan bilang karagdagang kaalaman at alternatibong pagkakakitaan,” ani Abalos.