HIGH SCHOOL FOR THE ARTS SA BAWAT REHIYON IPINATATAYO
SA LAYUNIN na malinang ang kakayahan ng mga batang estudyante sa sining ay isinusulong sa Kongreso ang panukala para sa pagtatayo ng ‘high school for the arts’ sa bawat rehiyon sa bansa.
Sa kanyang House Bill 202, sinabi ni Bataan 2nd District Rep. Jose Enrique Garcia III na nakasaad sa Konstitusyon ang pagbibigay ng prayoridad sa pagtataguyod ng arts and culture sa layuning mapaigting ang pagiging makabayan ng mga kabataan.
Aminado si Garcia na may mga programa ang gobyerno para sa paglinang ng sining sa kabataan subalit nakasentro ito sa mga national agency at hindi naibababa sa mga lokal na pamahalaan.
Alinsunod sa panukala, mandato ng Department of Education ng pagtatayo ng ‘high school for the arts’ sa pakikipagtulungan sa local government units.
Nakasaad sa panukala na babalangkas ang DepEd ng criteria para sa pagtatayo ng mga pasilidad batay na rin sa school capacity, faculty readiness, lokasyon at sa local student demands.
Sa unang taon ng implementasyon, ang pondo para sa pagtatayo ng ‘high school for the arts’ ay nakadepende sa available funds ng DepEd at isasama na sa General Appropriations Act sa mga susunod na taon.
Mandato rin ng mga lokal na pamahalan, batay pa rin sa panukala, na tulungan ang DepEd sa lahat ng pangangailangan upang maging matagumpay ang pagtatayo at pagmamantina ng naturang paaralan.