Nation

HEI STUDENTS IPINASASAMA SA VAX PRIORITY LIST

/ 8 July 2021

UMAASA si Commission on Higher Education Chairman Prospero ‘Popoy’ de Vera III na mabibigyang prayoridad sa vaccination program laban sa Covid19 ang mga estudyante ng higher education.

Sa gitna ito ng pag-asam ni De Vera na maibalik na sa normal na face-to-face ang klase sa higher educational institutions.

“Students should be vaccinated especially those who are 18-years-old and up,” pahayag ni De Vera sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.

Sa pagdinig, iginiit nina Senadora Nancy Binay at Senadora Pia Cayetano na dapat nang aralin ang ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga estudyante para matiyak ang pagkatuto.

Kinumpirma naman ni De Vera na nauna nang naisama sa priority list ng vaccination program ang kabilang sa medical and allied health courses dahil maituturing na rin silang essential health workers.

Isinalaysay pa ni De Vera na matapos ang matinding debate sa Inter-Agency Task Force, naisama na rin ang mga professor sa A4 priority list.

Iginiit ng opisyal na malaki ang higher education sector at umaasa rin naman sila sa dating ng suplay ng bakuna kasabay ng pagbibigay-diin na kailangang mabakunahan ang mga estudyante bago ang face-to-face classes.