HEAT-RELATED ILLNESSES NARARANASAN NG MGA GURO, ESTUDYANTE — TDC
IBINUNYAG ng Teachers’ Dignity Coalition na may mga guro at estudyante na nagkakasakit dahil sa matinding init.
Ayon kay TDC Chairperson Benjo Basas, batay sa survey na kanilang isinasagawa, may mga guro na nahimatay sa eskuwelahan dahil sa init.
“‘Yung tumaas ‘yung presyon ng dugo, nahilo, mayroong mga nahimatay na mga teacher po natin at mga bata. Mula April 1 po ang binabanggit ko dito. ‘Yung nose bleed mga ganyan po, mayroon pang mga LBM, lahat po ‘yan ay recorded po namin ‘yan,” sabi ni Basas sa isang panayan sa radyo.
Paglilinaw naman ni Basas, hindi pa ito matatawag na malalang sitwasyon.
Samantala, sinabi ng TDC chair na sinisikap ng mga guro na hindi ma-delay ang mga aralin para matapos ang kanilang lessons lalo na’t patapos na ang school year.
“Sinikap po nating hindi ma-delay, ma’am. Pero talagang may mga delays eh. Hindi naman kasi lahat ay agad agad na makakacomply doon sa online at doon sa modular,” ani Basas.
Patuloy naman ang panawagan ng grupo na ibalik ang dating school calendar, kung saan Abril at Mayo ang school break o bakasyon ng mga estudyante.