HEALTHCARE PROGRAM PARA SA PUBLIC SCHOOL TEACHERS ISINUSULONG
UPANG matiyak na nasa maayos na kondisyon ang mga pampublikong guro, pisikal man o mental, iginiit ng isang kongresista ang pagbuo ng healthcare program para sa kanila.
Sa paghahain ng House Bill 6322 o ang proposed Health Care Program for Public School Teachers Act, sinabi ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na kailangang matiyak na maayos ang kalagayan ng mga guro upang makapagserbisyo sila nang maayos sa kanilang mga estudyante.
“While salary adjustment initiatives are underway, ensuring that they get the best health care possible might also prove to be a wise investment,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag din ng kongresista na bagama’t saklaw ng Universal Health Care Act ang lahat ng mamamayan, kabilang ang mga guro, hindi pa rin naman naipatutupad ang batas.
Dahil dito, sinabi ni Vargas na mas makabubuting magkaroon ng healthcare maintenance organization na hahawak sa mga public school teachers.
“We have to invest in the health of those silent heroes who mold the minds of our children and our future: our teachers,” idinagdag pa ni Vargas.
Batay sa panukala, mamimili ang Department of Education sa pamamagitan ng competitive bidding ng HMO na kinikilala ng mga pagamutan sa buong bansa upang makakontrata para sa healthcare program ng mga guro.