HEALTH AT EDUCATION GRANT PROGRAM PARA SA MAY AUTISM ISINUSULONG
ITINUTULAK ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas ang panukala para sa pagbalangkas ng Health and Education Grant Program kaugnay sa Autism Spectrum Disorders.
Sa paghahain ng House Bill 10200 o ang proposed Autism Assistance Act, ipinaalala ni Vargas na minamandato sa Konstitusyon ang pagbibigay proteksiyon at promosyon sa karapatan ng tao para sa maayos na kalusugan at ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan sa publiko.
“Autism is a highly variable neurodevelopmental disorder that first appears during infancy or childhood, and generally follows a steady course without remission,” pahayag ni Vargas sa kanyang explanatory note.
Sa datos, isa sa bawat 500 Pilipino ang may autism spectrum disorder o tinatayang 200,000 Pinoy mula sa kabuuang populasyon na aabot sa 100 milyon.
Minamandato ng panukala ang Department of Health na bumalangkas ng health and education grant program o ang Global Autism Assistance Program.
Sa ilalim nito, magkakaroon ng ‘teach the teachers’ program upang sanayin at turuan ang mga health and education professional sa pagtrato sa mga batang may autism, partikular sa mga lalawigan.
Sa sandaling maging batas, ang pondong kakailanganin sa pagpapatupad ng programa ay magmumula sa National Treasury at isasama sa taunang budget ng DOH.