HEALTH AND SAFETY OFFICE SA BAWAT PAARALAN IPINATATAYO
ISINUSULONG ng isang kongresista ang pagtatayo ng School Health and Safety Office sa bawat pampublikong paaralan upang matutukan ang estado ng kalusugan ng mga mag-aaral.
Sa House Bill 4232 o ang proposed School Health and Safety Act, iginiit ni Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor na patuloy ang paglaganap ng iba’t ibang health issue sa mga mag-aaral, kabilang na ang mga sakit, mental health at ang kanilang bumabagsak na nutrisyon.
“Suicide and depression have and continue to cut short many young lives of high potential. Lack of nutrition and malnutrition have spawned both stunted growth and obesity,” pahayag ni Tutor sa kanyang explanatory note.
Sa panukala ni Tutor, obligado ang bawat paaralan na kumuha ng mga kwalipikado, lisensiyado at certified personnel na mamamahala sa kanilang Health and Safety Office.
“The SHSO is envisioned to be a potent front line health care delivery center strategically placed within schools to serve students, their parents, and their teachers,” paliwanag pa ni Tutor.
Naniniwala ang mambabatas na sa pamamagitan nito ay mababawasan ang non-teaching responsibilities ng mga guro,
Batay sa panukala, ang responsibildiad sa school canteen, school nutrition program, immunization campaigns, campus security, at iba pang non-teaching roles ay ibibigay na sa School Health and Safety Office.
Saklaw ng panukala ang lahat ng pampublikong paaralan, kasama ang state universities and colleges at public technical-vocational schools.
Ibabatay rin sa dami ng estudyante sa bawat paaralan ang itatalagang tauhan sa Health and Safety Office upang matiyak na maibibigay ang tamang pagbabantay sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.