HAZING SA GRADE 10 STUDENT KINONDENA NG DEPED
NANINDIGAN ang Department of Education na wala silang pinahihintulutang fraternity o pagtatayo ng anumang samahan na makasasakit o magdudulot ng masamang epekto sa isipan at ugali ng estudyante sa loob ng mga paaralang pang-elementarya at sekondarya.
Ginawa ng kagawaran ang pahayag makaraang maiulat ang pagkamatay ng isang Grade 10 student sa San Enrique, Negros Occidental dahil sa hazing.
Sa opisyal na pahayag ng DepEd, kanilang kinokondena ang anumang karahasan bunsod ng fraternities o sororities sa loob ng mga paaralan at binigyang-diin na kanilang istrikong ipinatutupad sa mga guro at iba pang school personnel ang Anti-Hazing Act.
Ayon sa kagawaran, sa nasabing batas, malinaw na bawal ang pagsasagawa ng anumang uri ng karahasan sa loob ng paaralan gaya ng hazing o iba pang initiation rites na may kaugnayan sa fraternities, sororities at kaparehong organisasyon.
“The Department of Education (DepEd) strongly condemns any violence perpetrated against learners and strictly implements the Anti-Hazing Act that prohibits the conduct of hazing or any initiation rites associated with fraternities, sororities and similar organizations. We have released issuances prohibiting the practice of hazing in schools and imposed sanctions for violations,” sabi pa ng DepEd.