‘HATID BANGKARUNUNGAN’ SA CAMARINES NORTE
NAGLUNSAD ang mga pamahalaang lokal sa Camarines Norte ng iba’t ibang proyekto upang matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24.
Bilang tugon sa panawagan ng isang eskuwelahan sa lalawigan, nakiisa ang mga bangkero upang mahatiran ng learning modules ang mga estudyante sa mga baybaying lugar.
Sa kabila ng pandemya, ang mga bangkero ng Barangay San Isidro, Capalonga ay tumugon sa panawagan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng libreng ‘Hatid Bangkarunungan’ na magdadala ng mga materyales at hygiene kits sa mga mag-aaral ng Melquaides Caldit Elementary School na gagamitin nila sa pagbubukas ng klase.
Nangako rin ang mga opisyal ng barangay, mga magulang at Brigada Eskwela volunteers na magsisilbi silang katuwang ng mga guro at pamunuan ng paaralan sa paghahatid ng edukasyon gamit ang modular learning modality sa 20 mag-aaral sa elementarya.
Ang mga pribadong sektor at indibidwal ay nangako rin na patuloy ang kanilang pagbibigay ng school supplies bago magbukas ang klase.