‘HARDSHIP ALLOWANCE’ SA MGA GURO
BILANG pagkilala sa hirap at sakripisyo ng mga guro, isinusulong ng ACT Teachers Partylist ang pagkakaloob ng karagdagang allowance sa mga ito partikular sa gitna ng panganib sa iba’t ibang kalamidad at krisis.
Inihain ni ACT Teachers Representative France Castro ang House Bill 7126 o ang Special Hardship Allowance bill for public school teachers upang bigyan ng sapat na kompensasyon ang mga guro na obligado pa ring mag-report sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity at health hazards tulad ng Covid19.
Alinsunod sa panukala, ibibigay ang special hardship allowance kada buwan sa Mobile Teachers, Multi-grade Teachers, non-formal Education o ALS Coordinators at mga guro na itinalaga sa mga lugar na may maituturing na extraordinarily hard, uncomfortable at extreme difficulties, kabilang na ang transport inaccessibility, state of calamity, panganib sa buhay at iba pang kahalintulad na sirkumstansya.
Binigyang-diin ni Castro na malaking tulong ang allowance na ito upang mabawasan ang pasanin ng public school teachers at mabigyang pagkilala ang kanilang pagsisikap at sakripisyo.
Iginiit ng kongresista na napapanahon ang panukala sa gitna na rin ng paghahanda ng Department of Education sa pagpapatupad ng blended learning sa gitna ng pandemya.
Ipinaliwanag ni kongresista na marami sa mga guro ang inaatasang magdeliber ng self-learning modules sa bawat bahay ng mag estudyante na naglalagay sa kanila sa panganib ng coronavirus.
“Ginagawa ng ating mga guro ang lahat ng kanilang makakaya upang maihatid ang edukasyon sa kanilang mga mag-aral. Tapat nilang ginagawa ang kanilang mandato na maghatid ng edukasyon sa mga mag-aaral sa kabila ng mga nakaambang sakit dulot ng pandemiya. Dapat lamang na tugunan din ng gobyerno ang kaniyang obligasyong bigyan ng sapat na kompensasyon ang serbisyo na binibigay ng ating mga guro na literal na hinahatid ang mga modules sa mga kabahayan nang walang kasiguraduhan sa kanilang kaligtasan laban sa Covid19,” pahayag ni Castro.