Nation

HANGGANG 6 ORAS LANG DAPAT ANG PAGTUTURO NI TITSER, AYON SA BATAS

/ 16 September 2020

SA GITNA ng mga suliraning kinakaharap ng mga guro sa panahon ng Covid19 pandemic, hiniling ni Senador Win Gatchalian sa Senado na siyasatin ang implementasyon ng Magna Carta for Public School Teachers.

Sa Senate Resolution 522, sinabi ni Gatchalian na bagama’t mahigit 44 taon na simula nang maipatupad ang Republic Act 4670, ay tila wala pa ring ngipin ang batas at hindi naipatutupad nang maayos ang mga probisyon nito.

Layon ng batas na maiangat ang social at economic status ng mga pampublikong guro, gayundin ang matiyak na maayos ang kanilang working condition.

Nakasaad sa batas ang hindi hihigit sa anim na oras na pagtuturo ng mga guro at kung sosobra sa oras ay pagkakalooban ang mga ito ng dagdag na kompensasyon.

Ginagarantiyahan din sa batas ang akmang sahod ng mga public school teachers, gayundin ang medical treament o pagpapaospital kung kinakailangan.

Gayunman, sinabi ni Gatchalian na sa kasalukuyan, bukod sa actual teaching, tambak din ang iba pang trabaho ng mga guro habang ang kanilang sahod ay malayo sa tinatanggap ng kanilang mga counterpart.

Tinawag naman ni Gatchalian na ‘illusionary’ ang probisyon na pagsailalim sa compulsory medical examination ng mga guro kada taon dahil hindi ito naisasama sa annual budget.

“With 794,448 public school teachers who represent the largest group of professionals in the government service, they should be recognized not only for their role in the delivery of quality education but also for their role in the economic, social, and cultural development of the basic education system and the nation as a whole,” pahayag ni Gatchalian.