Nation

HAMON SA MGA KANDIDATO: IPRAYORIDAD ANG TECHVOC EDUC SA PLATAPORMA

/ 3 October 2021

HINAMON ni Senador Joel Villanueva ang mga kakandidato sa pagka-Pangulo sa 2022 election na iprayoridad ang technical vocational education sa kanilang mga plataporma.

Sinabi ni Villanueva na malaki ang maitutulong ng tech-voc graduates sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya ng bansa dahil sila ang mga frontliner sa panahon ng pandemya.

Kasabay nito, hinimok Joel Villanueva ang 500 scholars ng Tulong Trabaho Scholarship Program na iangat pa ang kanilang kakayahan dahil ito ang magsisilbing paraan sa pagbangon ng ekonomiya sa panahon ng pandemya.

Sinabi ni Villanueva na ang pagbuhay muli ng ekonomiya ay nakasalalay sa kung paano bibigyan ng gobyerno ng sapat na pagsasanay ang mga manggagawa upang umayon sa new normal.

“Mukhang hindi na po tayo babalik sa dati bago ang pandemya. Ang ating ekonomiya ay nakakaranas ng retooling ngayong panahon na nangangailangan ng mga manggagawang nakapag-reskill,” pahayag ni Villanueva.

“Sa ngalan po ng pangarap ng mga kabataang Pilipino, ipagpapatuloy po natin ang misyon ni Tesdaman sa Senado para sa Trabaho, Edukasyon, Serbisyo, Dignidad at Asenso ng bawat Pilipino,” diin ni Villanueva.’

Sinabi ng senador na malaking bagay ang pagsasanay ng Technical Education and Skills Development Authority sa 20 milyong manggagawa ngayon ng bansa sa nakalipas na dekada.

Nanawagan si Villanueva sa pamahalaan na gamitin ang TESDA sa paghahanda ng labor force sa pagbabago ng pangangailangan ng ekonomiya.

“Hindi po ba sa giyera, naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga sundalo? Ganoon din ang gawin natin ngayon. I-train ang mga manggagawa para sa mga trabahong magbabangon sa ating ekonomiya,” dagdag ng senador.