Nation

‘H2H DELIVERY’ NA ANG PINALAWAK NA FEEDING PROGRAM NG DEPED

/ 2 September 2020

BAGAMAT walang face-to-face classes bunsod ng pandemya ay inihayag ng Department of Education na higit pang palalawakin ang school-based feeding program para mas maraming mag-aaral

na ‘wasted at undernourished’ ang makikinabang sa nasabing programa.

“Ang school- based feeding program natin ay naka-direct sa ‘yung tinatawag na wasted at saka mga undernourished,” sabi ni Education Secretary Leonor Briones sa report nya kay Pangulong Duterte.

“Pero kung sana darating ang panahon na lahat na bata ay matulungan natin kasi nagiging status issue ito. Ang mga bata na qualified silang pakainin sa wasted, et cetera, nahihiya sila kaya hindi sila kumakain kasi nakikita nila na ‘yung ibang bata masarap ang ulam, magandang tignan ‘yung kanilang mga baunan, et cetera, et cetera. So i-expand natin ito,” dagdag na pahayag ng DepEd chief.

Sinabi pa ni Briones na nakikipag-ugnayan na sila sa mga local government units kung papaano ipapatupad ang programang ito.

“Ang sabi nga paano na ‘yung feeding program ninyo na wala namang klase? So we’re working with the paano — with the local governments,” sabi ni Briones.

Sa isang virtual press briefing noong Lunes, sinabi ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla na mayroong adjustment sa pagpapatupad ng school-based feeding program para sa school year na ito.

Para sa taong ito, naglaan ang Kagawaran ng mahigit P6.4-million para sa naturang programa kung saan ay 1,775,349 mga batang undernourished ang makikinabang.

“Pati ang feeding program ay nagkaroon ng adjustment, ibig sabihin, we have to customize. Kasama ‘yan kung papano natin ginawa ‘yung learning delivery pati ‘yung feeding program ay magkakaroon din ng customized implementation,” sabi ni Sevilla.

Sinabi pa ni Sevilla na naglabas na ng guidelines ang ahensiya kung papaano ipapatupad ang programang ito.

“Kung dati ay nagluluto ang mga teachers, mga magulang… tapos ‘yung mga bata habang nasa eskwelahan, ngayon ito ay ide-deliver sa mga bahay depende sa public health situation ng ating mga eskwelahan. So, kung ano po ‘yung compliance sa minimum health standard ‘yun ang gagawin natin,” paliwanag ni Sevilla.

“Ang isa pang challenges ngayon ay ‘yung pag-monitor sa kanila kasi sila nga ay nasa mga bahay nila, so dagdag ito sa mga administrative function na nakasalalay ngayon sa DepEd,” dagdag pa ni Sevilla.

Sa ilalim ng school-based feeding program, ang mga undernourished na bata mula kindergarten hanggang Grade 6 ay binibigyan ng deworming tablets, pinapakain ng fortified meal at binibigyan ng vitamins sa loob ng 120 araw sa school year.