GUMAGAWA BA NG BAKUNA ANG UP? — DUTERTE
SA PULONG kamakalawa ng gabi ng Inter-Agency Task Force for Infectious Diseases ay tinanong ni Pangulong Rodrigo Duterte kung nagdedebelop ba ng bakuna ang Unibersidad ng Pilipinas.
Ito ay sa kalagitnaan ng pag-uulat ng mga miyembro ng Gabinete, ng mga eksperto, at iba pang mga propesor na nagsasaliksik ukol sa natuklasang bagong strain ng Covid19 sa United Kingdom.
“Secretary Duque, do you have an office or an agency under you working also on this, other from UP, working to find a vaccine? Are there people there?” tanong ni Duterte.
Nais linawin ng Pangulo kung mayroon bang pangkat ang Department of Health na tumututok sa usapin ng bakuna, yamang nagsisimula na ang iba’t ibang bansa sa pamamahagi nito sa publiko.
Isinama niya sa kaniyang tanong kung mayroon na bang hakbang na isinasagawa ang nangunguna at ang pambansang unibersidad ng Filipinas, ang UP, hinggil sa naturang usapin.
Hindi ito diretsong sinagot ni Health Secretary Francisco Duque III. Sa halip ay ibinida niyang ang Department of Science and Technology, Food and Drug Administration, at ang Research Institute for Tropical Medicine ang tatlong ahensiyang nangunguna sa pagsusuri at pagdedebelop ng bakunang susugpo sa Covid19.
“Mr. President, if I may, vaccine-wise, there’s a process. DOST po ang nangunguna, ang lead agency sa vaccine development together with the vaccine expert panel, and the single-joint ethics review board, and the FDA. So, mayroon po tayo pagdating sa pagtukoy ng mga bakuna that will be the most effective, safest, and of ensured quality. So, mayroon po tayong mga opisina,” tugon ni Duque.
“And the RITM, Mr. President, is also one in the best positions to collaborate,” dagdag pa niya.
Itinanong ito ng Pangulo sapagkat naniniwala siyang kaya ng Filipinas na makapagprodyus ng sariling bakuna.
“Usually we can produce vaccine on our own. Made or manufactured out of the mind work of the Filipinos,” pahaging ni Duterte.
Halo-halo ang reaksiyon ng mga netizen, partikular ang mga iskolar ng bayan sapagkat sa kabila ng sunod-sunod na atake ng Pangulo sa unibersidad na umano’y kuta ng terorista’t komunista ay tila inaasahan ito na tumugon sa hamon ng panahon.
Bukod pa ito sa taon-taong pagbawas sa badyet ng agham at pananaliksik.
Sa kabila nito, hindi pa rin naman tumitigil ang UP sa paglilingkod sa sambayanan. Simula nang pandemya’y sali-saliwa na ang mga programang pinasinayaan ng unibersidad kontra Covid19. Dagdag pa rito, sina DOST Secretary Fortunato dela Pena, FDA OIC Director General Dr. Rolando Enrique Domingo, at RITM Director Dr. Celia Carlos ay pawang nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas.