Nation

QC, PASIG GOV’TS NAGLABAS NG GUIDELINES SA SUSPENSIYON NG KLASE

/ 11 November 2020

UPDATED

NAGLABAS ang mga pamahalang lokal ng Quezon City at Pasig City ng guidelines sa pagsususpinde ng klase matapos isailalim sa Signal No. 3 ang Metro Manila bunsod ng bagyong ‘Ulyesses’.

Ayon sa isang Facebook post ng Quezon City government, awtomatikong suspendido ang klase sa pre-school at kindergarten sa mga pampubliko at pribadong paaralan sakaling magdeklaara ng Signal No. 1 sa Metro Manila.

Suspendido naman ang klase mula pre-school hanggang senior high school sa mga pampubliko at pribadong paaralan oras na isailalim sa Signal No. 2 ang MM.

Hanggang kolehiyo na ang sakop ng suspensiyon ng klase kapag itinaas sa Signal No. 3 ang bagyo.

Kung wala namang anunsiyo ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration tungkol sa lagay ng panahon, hihintayin ng QC and rekomendasiyon ng Department of Education at mga Division City school ukol sa suspensiyon ng klase.

Maaari namang magsuspinde ng klase ang mga pribadong paaralan alinsunod sa sitwasyon sa kanilang lugar.

Samantala, nilagdaan ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang isang executive order na nagdedeklara ng suspensiyon ng klase kapag masama ang panahon at may bagyo.

“As per EO 58, which I issued yesterday (Tuesday), classes in Pasig City (all levels) are suspended automatically whenever PAGASA raises Signal No. 2 or higher,” sabi ni Sotto sa kanyang Facebook post.

Ayon kay Sotto, suspendido ang online classes, submission ng mga assignment o coursework, at iba pang gawain na nangangailangan ng internet connection.

“Dahil naobserbahan nating humihina talaga ang internet kapag malakas ang hangin,” ayon pa kay Sotto.

“No announcement needed. Basta naka-signal No. 2 ang PAGASA sa Pasig, matic na ‘to,” dagdag pa ng alkalde.

Subalit pinaalalahanan ni Sotto ang mga mag-aaral sa lungsod na ipagpatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral sa mga modyul dahil hindi naman ito nangangailangan ng internet connection.

“Kayo rin ang mahihirapang maghabol kung suspend tayo nang suspend.”