GRADUATING PNPA CADET, 2 PA NA BUMAGSAK SA DRUG TEST PINAIIMBESTIGAHAN NI SINAS
INIUTOS na ni Philippine National Police Chief, Gen. Debold Sinas ang imbestigasyon at posibleng pagsibak sa isang graduating cadet ng PNP Academy at dalawa pang personnel ng police force na nagpositibo sa drug test.
Una nang iniutos ni Sinas ang unannounced drug test sa PNPA Cadet Corps, partikular sa 2021 graduating class, kasunod ng kontrobersiyal na New Year’s eve mauling incident na kinasangkutan ng apat na senior cadets.
Sa nasabing surprised drug test, batay sa ulat ni Crime Laboratory Group Director Police Brigadier General Steve Ludan kay Sinas, sa 262 cadets, 260 ang isinalang at isa ang nagpositibo sa droga.
Gayunman, paglilinaw ng PNP Public Information Office na ang nagpositibo sa droga na kadete ay hindi kasama sa naturang mauling incident.
Ang kadete na biktima ng pambubugbog at ang kanyang buddy ay hindi naisama sa drug test dahil nasa ospital pa ang mga ito.
Sa Monday presser, sinabi ni Sinas na pawang negatibo sa droga ang apat na sangkot sa mauling incident habang ang mga suspek ay sa alcohol lamang nagpositibo.
Samantala, bukod kay alyas 1st Class David, nagpositibo rin sina Patrolman Christian Laganzon ng Ligao City Police Station at NUP Giovanni Adulta ng Tabaco City Police Station.
“I ordered immediate pre-charge investigation and summary dismissal proceedings against Cadet 1st Class ‘David’ of PNPA, Patrolman Laganzon of Ligao City Police Station and NUP Adulta of Tabaco City Police Station,” ayon kay Sinas.
Sinabi ni Sinas na sana ay maging aral na sa mga kadete ang planong pagsibak sa graduating cadet at huwag nang gumamit ng droga.