GRADES 4-10 ISASAMA NA SA F2F CLASSES SA 2022
BUKOD sa pagpapalawig ng mga kalahok na paaralan, pinaplano rin ng Department of Education na isama sa pilot implementation ng face-to-face classes ang Grades 4 hanggang 10.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture hinggil sa implementasyon ng in-person classes, sinabi ni DepEd Asec Malcolm Garma na kasama sa kanilang pinag-aaralan ngayon na masimulan na rin ang pagbabalik- eskuwela ng lahat ng grade level.
Sa ngayon, ang pasok pa lamang sa pilot face-to-face ay ang Kinder hanggang Grade 3 at Senior High School.
Iginiit ni Senate Committee Chairman Sherwin Gatchalian na dapat maging mabilis ang Department of Education sa pagpapalawig ng mga paaralang kasama sa pilot testing.
Ipinaliwanag ng senador na dapat samantalahin ang magandang sitwasyon ng bansa kontra Covid19 subalit dapat pa ring tiyakin na mabilis ang aksiyon sakaling muling tumaas ang mga kaso.
Inirekomenda ni Gatchalian ang pagkakaroon ng self-assessment mechanism ng mga paaralan kung handa na sila sa face-to-face classes.
Binigyang-diin ng senador na mahirap para sa DepEd kung iisa-isahin pa nila ang assessment sa 60,000 paaralan sa buong bansa para sa paghahanda sa face-to-face classes.